Search

Monday, January 18, 2016

Hindi nagawang tapusin ni Vice President Jejomar Binay ang kanyang speech sa entablado nang salubungin ito ng matunog na “boo”


Hindi nagawang tapusin ni Vice President Jejomar Binay ang kanyang speech sa entablado nang salubungin ito ng matunog na “boo” sa pagdiriwang kahapon ng Sinulog Festival 2016 sa Cebu City. 
Maging ang mga netizens ay bumilib sa pagi­ging prangka at klarong pagpapaabot ng mensahe ng mga Cebuano upang respetuhin ng mga pulitiko, partikular ni Binay ang kanilang okasyon.
Inilarawan ni EF Hidalgo ng Muntinlupa ang pagkaka-boo kay Binay na “deserving” dahil sa ginawa nitong pang-iinsulto sa talino ng mga Pinoy.
Ikinawing pa nito ang “nognog” na political ads ng Bise Presidente. “Hindi mayor­ya ng mga Pinoy ay magnanakaw, hindi rin corrupt at walang hindi maipaliwanag na yaman o sa madaling sa­lita ay hindi katulad ng reputasyon ni Binay at ang mga Cebuano ang nagbigay sa kanya ng matinding pahayag na hindi sila ang klase ng Nognog na si Binay.”
Ayon naman kay Ti­mothy Alampay, “Hindi na natutu ang UNA nang mag-walk out ang mga Cebuano sa speaking engage­ment ni Binay ilang buwan na ang nakaraan sa Cebu Coliseum. Katwiran noon ng tagapag­salitang si Salgado ay hindi kinaya ng mga tao ang init sa lugar. Ngayon ay hindi na importante kung may partidong sangkot sa nangyari dahil malinaw itong mensahe na hindi tama ang mga resulta ng political survey at hindi ito ang dapat na maging gabay sa pagboto ng kandidato.”
Eto naman ang tweet ni Nemia Gareza, “Kulang pa yan! Iparinig at iparamdam kay Binay ang napakalakas na boo sa eleksyon sa Mayo!” na dinugtungan ni AirForceOnce ng, “From South Cotabato to Binay: Booooooooooo!!!”
Ayon sa ulat, tina­ta­yang nasa 10,000-katao ang laman ng Cebu City Sports Center nang mangyari ang insidente.
Sinasabing ipinakilala ni suspended Cebu City Mayor Mike Rama si Binay sa isang maiksing programa bilang kick-off ng Sinulog Grand Parade kahapon ng umaga.
Ngunit sa halip na mainit na pag-welcome ay sinalubong ng “boo” si Binay ng mga deboto habang nasa kalagitnaan ng pagsasalita. Dahil dito, agad na pinutol ni Binay ang hindi pa talumpati sa pamamagitan ng mga katagang, “Maayong buntag sa inyong tanan. Viva Pit Senyor!”
Mabilis na sinabi ni Joey Salgado, tagapagsalita ni Binay, na Liberal Party (LP) supporters ang nag-boo sa Bise Presidente.
Kasama diumano ni Binay na dumalo sa Sinulog Festival ang kanyang running mate na sina Senador Gringo Honasan at senatorial candidate na sina Princess Kiram, Alma Moreno at Harry Roque at anak nitong si suspended Makati City Mayor Junjun Binay.
Pagkatapos noon, nagtungo na lamang ang grupo ni Binay sa media center kung sila nag-almusal.
Matapos mag-almusal bumalik muli sa VIP Section ng grand stand si Binay para panoorin ang presentasyon ng participants sa festival.
Umalis si Binay bago magtanghali para dumalo sa isang pananghalian at bumisita sa Simala Shrine sa bayan ng Sibonga.
May impormasyon din na isang ‘lunch appoint­ment’ ang kinansela ni Binay na dapat ay ga­gawin sa isang malaking mall doon dahil umano sa kumplikasyon sa iskedyul.
Isinusulat ang balitang ito ay hindi matiyak kung tanging si Binay ang presidential candidate na lumahok sa taunang Sinulog Festival na dinarayo ng maraming Filipino mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Bilang reaksyon sa agad-agad na paninisi ng kampo ni Binay sa LP, sinabi ni LP spokesman at Caloocan City Rep. Edgar Erice na walang kinalaman ang kanilang partido o supporters sa naging pagtrato sa kanya ng Sinulog devotees.
Binigyang-diin pa ni Erice na walang ibang dapat sisihin si Binay kundi ang sarili dahil sa “wala sa hulog” na diskarte.
“Religious cultural event ang Sinulog Festival papasukan ni VP Binay ng ka-epalan niya pagkatapos sisihin niya ang LP ang pasimuno (ng pag-boo),” ani Erice.
Lahat na lang umano ay ipinapahid ng kampo ni Binay sa kanilang lapian, kung saan matatandaan na pati ang pagbubunyag ng kanyang dating bise alkalde ng diumano’y mga ‘hokus-pokus’ sa pera ng Makati City ay itinuturo ring pamumulitika sa kanya ng LP.

No comments:

Post a Comment